Ang Bureau of Fire Protection (BFP) – Romblon ay nagsagawa kamakailan ng Ugnayan sa Barangay para ibahagi ang fire safety at earthquake preparedness sa mga residente ng barangay na kanilang pinupuntahan.
Kabilang din sa binibisita ng mga kawani ng pamatay-sunog ang mga paaralan upang suriin ang kaligtasan ng mga ito sa sunog na bahagi sa mandato ng BFP upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral dito.
Ayon sa pamunuan ng BFP Romblon, kanilang tinuturuan ang mga mamamayan ng mga wastong paraan ng pag-iingat sa loob ng pamamahay upang maiwasan ang sunog gayundin kung ano ang nararapat na gawin kapag may naramdamang pagyanig ng lupa.
Sa pagbisita ng BFP sa ilang paaralan ay kanilang sinusuri kung maayos ang pagkakagawa ng mga kawad ng kuryente lalo na sa mga kisame dahil posible itong pagmulan ng sunog kaya hindi dapat ito ipagwalang-bahala upang maiwasan ang sunog.
Pinaalalahanan din ng BFP Romblon ang mga may-ari ng pamamahay at namumuno sa mga paaralan na maaaring makasuhan ang mga ito kapag lumabag sa Electrical Code at sa Fire Code of the Philippines na ipinatutupad ng BFP.