Kinakabayo ng karahasan ang bansa natin nitong mga nakaraang linggo mga tsong. Hindi pa man natatapos ang sakit ng ulo sa mga bandidong Maute sa Marawi, may nag-ala-Rambo namang adik sa sugal sa casino sa Resorts World Manila na nakapatay ng mahigit 30 katao.
At matapos ang napakaraming espekulasyon at kung anu-anong conspiracy theory, lumitaw na ang salarin ay hindi ISIS o kahit man lang yata fan nila, kung hindi isang lulong daw sa sugal sa casino na si Jessie Carlos, dating empleyado ng Department of Finance.
Pero huwag nating sisihin mga tol kung may mga nag-ulat na baka “ISIS” o terror attack ang nangyari sa RWM. Dahil kasi sa kababanggit ng ilang opisyal na nandito na sa bansa ang galamay ng teroristang grupo, tila napa-praning na rin ang mga tao.
Baka nga pati ang mga bading na magbabatian o magsisigawan ng “Hi, sis!,” mapagkamalang sumisigaw ng ISIS. Kaya ingat sa batiin ang mga sis!
Isa pa, mismong ang ilang tao na mula sa RWM ang nagsasabi na ISIS ang umatake sa kanila dahil sa hitsura, suot at mahabang armas nito. May nagsabi pa nga mukhang dayuhan ang suspek at mahusay mag-ingles.
Ngunit sa kabilang banda, dapat maging panggising sa mga taong lulong sa sugal ang nangyari kay Carlos. Marahil ay hindi niya planong manakit ng iba sa ginawa niyang pag-a-ala-Rambo pero mahigit 30 katao ang nadamay niya nang ma-suffocate sa nilikha niyang sunog.
Mismong ang mga awtoridad na rin kasi ang nakapansin na hindi mga tao ang puntirya ng kaniyang pamamaril. Taliwas nga naman sa taktika ng mga terorista na pumatay sa abot ng kanilang makakaya kahit kotse, trak, o pananaksak ang paraan ng paghahasik nila ng lagim.
Marami na rin tayong nabalitaan na masama at malungkot na pagwawakas sa kuwento ng mga taong nalulong sa sugal. May mga iniwan ng dyowa, nagbenta ng ari-arian, iniwan ng pamilya, itinakwil ng mga magulang, mabaon sa utang, at mayroon pang nagpatiwakal.
Sa kaso ni Carlos, nawalan siya ng magandang trabaho, nabaon sa utang, iniwan umano ng pamilya at posibleng hindi na kinaya ng pag-iisip. Ano ng aba ang plano niya sa casino chips na plano raw nitong tangayin? Aba’y baka isama na rin sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga adik ang mga adik sa sugal?
Gaya kasi ng pagiging adik sa droga, wala rin panalo kung maging adik sa sugal. Ubusan kasi ang laban dito—habang may madudukot ka, larga lang nang larga. At kapag wala ka nang madukot na pera, aba’y sa ibang bulsa na sila dudukot.
Kapag wala na silang madukot sa ibang tao, mangungutang na sila. Kapag walang mautangan, gagawa na sila ng kalokohan para matustusan lang ang bisyo. Tanong marahil ng ilang kurimaw, mas mabuti pa kayang mam-bebot na lang kaysa magsugal at mag-droga? No good din ‘yan mga tsong lalo na kung nagmimina na lang ng kayamanan ang chicks na makukuha mo.
Kaya habang may panahon pa, dapat mag-isip ang mga taong ginagawang bahay na ang casino. May kasabihan na sugal ang buhay pero huwag mong itaya ang buhay mo at baka i-side bet mo pa ang buhay ng iba. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!