Tumatanggap na ngayon ng outpatient ang Oriental Mindoro Drug Rehabilitation and Recovery Center (OMDRRC) sa Barangay Ilaya, Lungsod ng Calapan.
Ang OMDRRC ay isa lamang sa pinakamalalaking proyekto ng pamahalaang Panlalawigan bilang suporta sa kampanya laban sa iligal na droga ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Matatandaan na kamakailan lamang ay pinasinayaan dito ang 50–bed capacity ng OMDRRC na magsisilbing pag-asa ng mga drug dependent na maibalik sa normal ang pamumuhay at matulungan silang magkaroon ng transpormasyon upang maging produktibong mamamayan.
Sa pinakahuling datos na naitala ng Provincial Health Office (PHO), umaabot na sa humigit-kumulang sa 10,000 ang drug surrenderees sa lalawigan.
Dahil sa mataas na bilang na ito, malaking katulungan ang itinayong rehab center sa pamamagitan ng suportang ipinagkaloob ng Departrment of Health (DOH) para sa naturang proyekto.
Ayon kay Gob. Alfonso V. Umali, Jr., malaking adbentahe ang pagkakaisa at pagsasama-sama ng mga lider at mamamayan at ang pagtutuwang ng iba’t ibang sektor sa lalawigan na naging dahilan na rin kaya napabilis ang proyektong OMDRRC. Partikular niyang tinukoy ang inisyatiba ng DOH na inaasahang makapagkakaloob pa ng karagdagang P10M para sa proyekto.
Sinabi rin niyang hindi sapat na mayroong Rehab Center lamang kundi nararapat na pag-aralan pa ang mga dapat na gawin upang ito’y magtuluy-tuloy at maging matagumpay.
Sa kasalukuyan, pinangangasiwaan ang OMDRRC ng PHO at para sa mga nais matulungan nito, maaaring makipag-ugnayan ang sinuman sa kanilang tanggapan o tumawag sa Drug Recovery Helpline sa numerong 043-2881368. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)