Mahigpit nang ipatutupad ng lokal na pamahalaan ng Looc, Romblon ang mga batas trapiko upang tiyakin na ligtas sa publiko ang mga kalsada ng nabanggit na bayan.
Ito ay batay sa Municipal Ordinance No. 42 – 2015 na nagsasaad na lahat ng uri ng behikulo ay kailangan sundin ang 30 kph speed limit sa pagpapatakbo ng sasakyan sa mga kalsadang sakop ng bayan ng Looc.
Ayon kay Konsehal Reyam A. Reyes, may akda ng ordinansa, marami na ang mga kaskasero at abusadong motorista na nagiging banta sa kaligtasan ng publiko lalo na sa mga bata.
Marami na rin aniyang naitatalang kaso ng aksidente dahil sa sobrang mabilis na pagpapatakbo ng motorsiklo at iba pang uri ng sasakyan.
Kaugnay nito, inatasan ng tanggapan ni Mayor Leila M. Arboleda ang mga tauhan ng Looc Municipal Police Station at mga itinalagang traffic enforcers ng LGU na mahigpit na ipatupad ang 30 kilometers per hour (kph) speed limit sa kabayanan at 60 kph naman sa Provincial at National roads.
Ang sinumang hindi sumunod sa naturang ordinansa ay pagmumultahin ng P500 sa unang paglabag, P1,000 naman sa ikalawang opensa at kapag naulit pa ay maaari na itong sampahan ng kaso sa korte.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na hindi maaabuso ang batas trapiko o magiging ningas-kugon lang ang paghihigpit na ito.