Masayang pinasinayaan ng Monfort Academy ang blessing at opening ng kanilang extension ng technical and vocational school sa bayang ito nitong Hunyo 29, 2017. Naging matagumpay ang pagbubukas extension school dahil na rin sa suporta ng LGU Odiongan, tanggapan ng TESDA-Romblon sa pakikipagtulungan ng DOLE Romblon Field Office. Si Father John Parago ng Simbahang Katoliko ang siyang tumayong officiating priest sa naturang okasyon.
Naging panauhing pandangal naman ang dalawang mahalagang tao na siyang naging instrumento sa pagbubukas ng nasabing technical vocational school sa katauhan nina Ginoong Giuseppe Dei Rossi mula sa bansang Italy at Brother Mathew Kavunkal, SG, Presidente ng Adozioni a distanza mula naman sa bansang India.
Dumalo rin sa naturang pagtitipon sina Mayor Trina Firmalo-Fabic ng Odiongan, Vice Mayor Cocoy Reyes, mga konsehal na sina Diven Dimaala, Letty Maganggo, Rolly Lachica at Virgie Maulion at ang Vice Mayor ng bayan ng Sta. Maria at mga stakeholders.
Kabilang din sa mga dumalo ay sina Provincial Director Armando Aquino ng TESDA kasama ang kanilang personnel and staff, Director Carlo Villaflores ng DOLE, mga estudyante ng Monfort Academy at mga lokal na media ng Romblon na kinabibilangan nina Paul Jaysent Fos ng Romblon News Network at Suico Romero ng Romblon Sun.
Ayon kay Brother Arul Ryan, Director ng nasabing extension technical vocational school, naging matagumpay ang pagbubukas ng extension office sa bayang ito dahil na rin sa buong pusong suporta ni Ginoong Dei Rossi at Brother Kavunkal na siyang benefactors ng nasabing extension school. Dagdag pa ni Brother Ryan na libre ang pag aaral ng 50 mahihirap na estudyante sa naturang school at kapag sila ay nakapagtapos ay tatanggap ang mga ito ng NCII Certificate.
Naging emosyonal naman sa kanyang talumpati si Mayor Trina Firmalo-Fabic ng ipaliwanag nya kung paano naisakatuparan ang pagbubukas ng extension school sa bayan ng Odiongan at kung paano nila pinag usapan at pinlano kasama ng dalawang benefactor ang pagsasakatuparan ng nasabing paaralan. Dagdag pa ni Mayor Trina na sana ay pahalagahan ng mga estudyante ang kanilang pag aaral sa nasabing paaralan upang maging gabay nila at hagdan para mabago ang kanilang buhay.
Ayon pa rin kay Mayor Trina Firmalo-Fabic, pansamantala lamang umano ang lugar na binuksan para sa extension school ng Monfort sa Barangay Dapawan dahil kasalukuyan ng ginagawa ang plano ng malaking paaralan ng Monfort Academy, Odiongan Extension sa Barangay Patoo ng naturang bayan.
Matatandaan na nauna ng nagkaroon ng Monfort Academy sa kabisera ng Romblon, Romblon partikular sa Barangay Lonos kung saan ay itinatag ito doon ng Monfort Brothers noong taong 2009.
Ang prioridad ng Monfort Academy ay ang mga estudyanteng anak ng mga single parent, mga may kapansanan (PWD) at mga mahihirap na mga pamilya na gustong makapag aral ng technical vocational courses sa ilalim ng pamamahala ng TESDA.
Ang Monfort Academy ay itinatag mahigit tatlong daang taon na ang lumipas sa pamamagitan ni Ginoong Louis de Montfort mula sa bansang France. Sa kasalukuyan, ito ay mayroong sangay sa 32 bansa sa buong mundo.