Sinisimulan na ang konstruksiyon ng bagong Vegetable Market ng bayan ng San Agustin na nagkakahalaga ng mahigit Php2 milyon mula sa pondo ng lokal na pamahalaan.
Matapos isinagawa ang groundbreaking noong unang lingo ng Mayo ay agad sinimulan ang konstruksiyon nito at inaasahang matatapos ito sa unang quarter ng susunod na taon.
Ayon kay Mario Mancuyas, municipal information officer, ang itinatayong gusali ay matatagpuan sa Bgy. Poblacion ng nasabing bayan kung saan madali itong makita at mapuntahan ng mga mamimili.
Ang San Agustin Vegetable Market ay pinondohan ng P2,355,696.80 ng kasalukuyang administrasyon na naglalayong mapaluwag at mapaganda ang dating anyo ng palengke.
Ikinatuwa naman ng mga manininda sa palengke ang pagsasakatuparan ng nasabing proyekto dahil sila mismo ang direktang makikinabang dito at makapagbibigay ang bagong merkado ng kabuhayan sa kanila.
Aktwal na binisita ni Mayor Esteban Santiago F. Madrona ang ginagawang gusali at inatasan din nito ang Engineering Office na magkaroon ng koordinasyon sa kontratista para matiyak na tama at maayos ang gagawin at naaayon sa binuong plano.