Ilang kalsada sa Barangay Tabing-Dagat sa bayan ng Odiongan ang binaha pasado alas-4 ngayong hapon matapos na bumuhos ang malakas na ulan.
Ayon sa munisipyo ng Odiongan, barado umano ang ilang kanal sa lugar kaya mabilis na umapaw ang tubig sa kalsada.
Maaring nasarado umano ang daan ng kanal matapos na kompunihin ng DPWH ang mga kalsada sa lugar.
Papatingnan na rin umano ito ng pamunuan ng bayan ng Odiongan upang maisaayos at mabigyan ng maayos na daanan ang tubig ulan.
Dahil parin sa pag-apaw ng tubig sa mga kanal, ilang bahay rin at tindahan ang pinasok ng tubig baha.
Ilang estudyante namang pauwi na ang naperwisyo ng malakas na pag-uulan, ang ilang estudyante ng Romblon State University pinilit nalang na maglakad sa malakas na ulan dala ang kanilang payong.
Agad namang humupa ang baha sa kalsada matapos na tumila ang malakas na ulan.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, thunderstorm ang nag paulan sa lalawigan ng Romblon buong hapon.