Iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Romblon ang nagkaroon ngayong araw ng maikling program bilang bahagi ng pagdiriwang ng Ika-119 na Araw Ng Kasarinlan ng Pilipinas mula sa pananakop ng kolonyal na paghahari ng Espanya noong 1898.
Sa bayan ng Banton, pinangunahan ng mga kawani ng Banton Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Inspector Saturnino Galicia ang isinagawang civil parade na dinaluhan rin ng mga tauhan ng DepEd, National at Municipal Employees, at mga barangay officials.
Sa bayan ng Calatrava, nag-ikot rin sa Poblacion ang mga kawani ng iba’t ibang National Government Offices, LGU, PNP, mga estudyante at mga guro dala dala ang mga flaglets. Tumungo sila matapos nito sa harap ng Municipal Hall para sa maikling programa.
Sa bayan naman ng Alcantara, mga tauhan lamang ng munisipyo at mga kapulisan ang dumalo sa maikling programa na ginanap sa harap rin ng municipal hall.
Sa bayan ng Odiongan, pinangunahan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ang pag-aalay ng mga bulaklak sa monumento ni Dr. Jose Rizal na matatagpuan sa gitna ng Odiongan’s Children Park and Paradise. Naging panauhing pandangal rin ang isa sa mga legal assistant ni Secretary of Social Welfare and Development Judy Taguiwalo.
Pagpatak ng alas-8 ng umaga, sabay-sabay ang mga munisipyo sa buong Romblon na itinaas ang mga watawat at kinanta ang pambansang awit ng Pilipinas na ‘Lupang Hinirang’.
Ang tema ng pagdiriwang ng Independence Day ngayong taon ay ‘Pambansang Pagbabago Sama-Samang Balikatin’.