Ang Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon ay naglabas ng ‘Gabay sa Presyo ng School Supplies’ upang maging batayan ng mga consumers at mga magulang sa pamimili ng gamit pang-eskwela para sa kanilang mga anak.
Dito makikita ang Suggested Retail Price (SRP), ang halaga ng iba’t ibang mga kagamitan na kailangan bilihin sa mababa at tamang presyo ganundin ang mga brand ng bawat produkto at bilang ng mga pahina ng papel katulad ng notebook.
Sinabi ni Orville F. Mallorca, caretaker ng DTI-Romblon, na kanilang inilabas ang SRP upang maging basehan o gabay ng mga mamimili sa kanilang pagbili ng mga gamit pang-eskwela.
Kabilang sa mga produktong nasa listahan ang kwaderno, papel, krayola, lapis, bolpen, ruler at pantasa.
Batay sa SRP ng DTI, nagkakahalaga ng mula 12.50 hanggang 15.75 piso ang composition notebook; samantalang ang spiral notebook ay may presyong mula 13.75 hanggang 15.75 piso.
Nagkakahalaga naman ng mula 9.00 hanggang 12.00 piso ang papel pang-Grade 1-4; samantalang 14.00 hanggang 25.00 piso ang presyo ng intermediate paper.
Mabibili naman mula 4.00 hanggang 22.75 piso ang kada piraso ng bolpen; habang ang isang pakete na may tatlong piraso ay mabibili mula 13.75 hanggang 30.75 piso.
Gayundin, ang isang pakete ng lapis ay nagkakahalaga ng 10.50 hanggang 37.50 piso, depende sa tatak.
Ang isang kahon ng krayolang may walong kulay ay nagkakahalaga mula 12.00 hanggang 34.75 piso; samantalang ang may 24 na kulay ay mabibili mula 37.75 hanggang 49.25 piso.
Ang pambura naman ay mabibili mula 5.75 hanggang 12.75 piso; pantasa—5.75 hanggang 17.75 piso; 6-inch ruler – 9.75 hanggang 19.75 piso; at 12-inch ruler—14.75 hanggang 29.75 piso kada piraso.
Ang SRP na ito ay magsisilbing gabay sa mga mamimili sa paghahambing ng iba’t-ibang tatak at upang iwasan ang labis na pagtataas ng presyo ng mga nagbebenta.
Kaugnay nito, sisimulan na rin ng DTI ang pagbabantay o monitoring sa presyo ng mga kagamitan sa eskuwela sa mga pangunahing pamilihang bayan, mga tindahan at establisyemento na mayroong school supplies sa buong lalawigan.
Ang monitoring team ng DTI Romblon ay nagsasagawa ng sorpresang pagbisita sa bawat establisyemento o tindahan ay upang makita ang mga presyo kung ito ay sumusunod sa SRP na ipinalabas ng DTI.
Ang gabay sa presyo ng school supplies ay paraan upang malaman ng bawat mamimili o consumers ang maaari nilang bilhin ganundin ang mga presyo nito na ipinatutupad ng DTI.
Ayon pa kay Mallorca, malaking tulong ito sa mga magulang sapagkat magsisimula na ang pagbubukas ng klase sa buwan ng Hunyo ngayong taon. Nagpaalala rin si Mallorca na sakaling mayroong mga paglabag sa presyo ng mga school supplies ay magsadya at magsumbong sa Consumer Protection Division ng kanilang tanggapan.
Kung mayroong mga katanungan o reklamo sa kalidad at presyo ng mga school supplies, maaaring tumawag sa numerong (02) 751-3330 or 0917-834333 o magsadya sa opisina ng DTI Provincial Office sa bayan ng Odiongan, Romblon.