Pinasinayaan na kamakailan ang bagong Community Fish Landing Center (CLFC) na ipinatayo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)- Mimaropa sa Barangay Carmen, San Agustin, Romblon sa pangunguna ni Mayor Esteban Santiago F. Madrona.
Ang naturang proyekto ay pinondohan ng Php3 milyon ng BFAR-Mimaropa upang matulungan ang mga mangingisda sa naturang bayan sa kanilang hanapbuhay.
Ayon sa pamunuan ng BFAR Romblon Field Office, ang paglalagay ng pasilidad ay naglalayong mai-preserba ang kanilang huling isda kapag hindi pa ito naibenta kaagad at dito rin isasagawa ang bentahan ng isda sa mga namamakyaw.
Inaasahan naman ng BFAR na mapangangalagaan ang pasilidad na ito ng lokal na pamahalaan upnag matagal itong mapakinabangan ng mga mangngisda sa naturang lugar.
Maliban sa San Agustin, nai-turn over na rin ng BFAR Mimaropa sa LGU ang kanilang mga ipinatayong CLFC sa mga bayan ng Ferrol, Santa Fe, Cajidiocan, Calatrava at Corcuera.
Kasalukuyan na ring itinatayo ang iba pang fish landing ng BFAR sa mga bayan ng Romblon, Odiongan, Alcantara, Sta. Maria, magdiwang, San Jose at San Fernando kung saan inaasahan na matatapos ito ngayong taon.