Inihayag ni Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Corazon Tulfo Teo na naglaan ang kanyang departamento ng halagang limang milyong piso para sa rehiyon ng Mimaropa.
Ang pahayag ay ginawa ni Sec. Teo sa harap ng mga komunidad ng mga katutubo na namamahala ng mga Community Based Sustainable Tourism (CBST) na sakop ng Puerto Princesa Subterranean River Natural Park (PPSRNP).
Ayon kay Sec. Teo mabibiyaan din nang kanyang inilaang pondo ang lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa dahil mula sa limang milyon ay malaking bahagi nito ang mapupunta sa lalawigan at lungsod para naman sa mga pagsasanay ng mga tourism frontliners.
Dagdag pa ni Sec. Teo, isa sa napakagandang ehemplo ng sustainable tourism na maipagmamalaki sa buong mundo ay ang Puerto Princesa Underground River (PPUR).
Si Sec. Teo kasama sina United Nations World Tourism Organization (UNWTO) General Secretary Taleb Rifai at ilan pang UNWTO Ministers ay bumisita sa lungsod kaugnay ng UNWTO Ministerial Tour sa lalawigan ng Palawan. (Orlan C. Jabagat/PIA-MIMAROPA, Palawan)