Kasabay ng pagbubukas ng klase ngayong buwan, sinimulan na ring paigtingin ng Romblon Municipal Police Station ang pagbabawal sa mga estudyante na pumasok sa mga computer shop kapag may pasok ang mga ito sa paaralan.
Kaugnay nito, isa-isang binisita at kinausap ng mga kawani ng Romblon MPS ang mga may-ari ng computer shop o internet cafe na malapit sa mga paaralan upang paalalahanan na bawal pumasok sa kanilang mga establisyemento ang mga estudyante sa oras ng klase.
Ang hakbang na ito ng kapulisan ay alinsunod sa Municipal Ordinance No. 08-2011 na nag-uutos sa mga may-ari ng computer shop at mga bilyaran na huwag pahintulutang pumasok o maglaro ang mga estudyante sa kanilang establisyemento simula alas-8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Ayon kay SPO1 Christian R. Miron, chief, Police Community Relations ng Romblon MPS, na regular silang magsasagawa ng inspeksyon sa mga computer shop tuwing araw ng Lunes hanggang Biyernes upang tiyakin na walang mga estudyanteng nagka-cutting class upang maglaro ng computer games o online games.
Maari lang aniyang pahintulutan ang isang estudyante na magsagawa ng research sa oras ng klase kapag may awtorisadong liham ito mula sa kaniyang guro o adviser.
Kapag kinakitaan aniya ng paglabag ang isang computer shop o bilyaran ay maaaring makansela ang kanilang business permit o tuluyang maipasara alinsunod na rin sa ordinansang ipinaiiral ng lokal na pamahalaan.
Labag din aniya ito sa DepEd Order No. 86 series of 2010, sa ilalim nito ay ipinagbabawal ang pagpunta ng mga estudyante sa computer shops, mall at sinehan sa oras ng klase.