Nakatakdang isagawa sa lungsod ang isang Ugnayan o forum na may kaugnayan sa Association of South East Asian Nation (ASEAN) Summit kung saan ang Pilipinas ang punong abala ngayong taon.
Tinagurian itong “ASEAN: A Community of Opportunities” na gaganapin sa The Legend Hotel sa umaga ng Hunyo 8.
Isa ito sa mga programa ng Philippine Information Agency (PIA) na naglalayong maiparating sa pinaka-liblib na lugar ng bansa ang kahulugan at kahalagahan ng pagdaraos ng ASEAN Summit 2017 sa bansa, gayundin ang kapakinabangan dito ng bawat Filipino.
Inaasahang dadaluhan ito ng mga mamamahayag sa Palawan at ng mga kasapi at opisyales ng Palawan Communicators Network (PALCOMNET), isang organisasyon ng mga information officers ng mga ahensiyang nasyunal at mga information officer ng lokal na pamahalaan.
Tatalakayin sa ugnayan ang “All About ASEAN”, magiging tagapagsalita dito si PIA Mimaropa Officer-In-Charge Victoria Mendoza, na susundan ng “Trade & Business Opportunities in the ASEAN for Palawan” na tatalakayin ni DTI-Palawan Provincial Director Rosenda G. Fortunado, ang “Job potentials in the ASEAN” na tatalakayin naman ni DOLE-Palawan Chief Labor and Employment Officer Bernardo B. Toriano at ang “Agriculture products with big market in ASEAN” na tatalakayin naman ni Dr. Romeo C. Cabungcal ng Office of the Provincial Agriculturist ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.
Sa pamamagitan ng ugnayang ito ay magiging katuwang ng pamahalaang ang mga mamamahayag at mga information officers ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa Palawan na maiparating sa kanayunan ang kahulugan at kahalagahan ng ASEAN sa buong bansa at sa mga bansang kasapi nito. (Orlan C. Jabagat/PIA-MIMAROPA, Palawan)