Bilang suporta ng pamahalaan sa 150 magsasaka ng bayan ng Romblon, namahagi ngayong araw ang Office of the Municipal Agriculturist ng mga kagamitan sa pagsasaka na nagkakahalaga ng kabuuang PhP1.132 milyon
Layunin ng proyekto na matulungan ang mga mahihirap na magsasaka upang umangat ang kanilang buhay sa pamamagitan ng mga ayudang ipinagkakaloob sa kanila ng pamahalaan.
Ang mga magsasaka ay mula sa iba’t ibang barangay na natukoy ng Office of the Municipal Agriculturist -Romblon ay tumanggap ng mga kagamitang pansaka sa ilalim ng Integrated Community Food Production Program ng nasabing tanggapan sa pakikipatulungan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Ang bawat magsasaka ay tumanggap ng kagamitan sa pagsasaka na kinabibilangan ng kompletong set ng gardening tools, asarol, kalaykay, spring clear, banana seedlings at iba’t ibang uri ng binhi ng gulay.
Makatatanggap rin ang mga benepisyaryong magsasaka ng mga native chicken upang kanilang aalagaan at pararamihin bilang karagdagang pagkakakitaan sa araw-araw.
Sinabi ni Mayor Mariano M. Mateo na kailangan paunlarin ang produksiyon ng gulay upang maibenta sa palengke at dapat may sapat na supply sa merkado kung kaya patuloy aniyang sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ang mga maliliit na magsasaka sa pagpaparami ng kanilang produkto.