Nangako si BFAR Mimaropa Regional Director Elizer Salilig na magbibigay ang kanyang tanggapan ng 14 na fiberglass na bangkang de motor sa mga fish sanctuaries sa bayan ng Romblon.
Tiniyak naman ng BFAR Romblon Fishery Office na bago magtapos ang taong kasalukuyan ay kanilang maipadadala ang naturang mga bangka sa 14 na barangay sa Romblon na mayroong fish sanctuary.
Nilalayon ng proyektong ito na mabantayang maigi ang mga pangitlogan ng isda at ng iba pang uri ng lamang dagat upang makapagparami ang mga ito.
Ayon kay Edgardo M. Molina, fishery technician ng Office of the Municipal Agriculturist, ang mga fiberglass na bangka ay ipagkakaloob sa mga Bantay Dagat ng bawat barangay na siyang regular na magpapatrulya sa fish sanctuary upang bantayan ito laban sa mga iligal na pumapasok dito at gumagawa ng maling paraan ng pangingisda.
Dapat rin aniyang pangalagaan ng mga Bantay Dagat ang tulong na kanilang natanggap mula sa BFAR, huwag ipagbibili at gamitin ng tama upang magtagal ito.