Bilang pinaka-mataas na pinuno ng Philippine National Police (PNP), kailangan manatiling neutral at wala dapat kinikilingan si Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa ukol sa nabunyag na “secret cell” o isang napaka-liit na kulungan na halos kasinglaki lamang ng aparador.
Sa halip na marinig sa bibig ni Gen. Dela Rosa ang mga salitang gaya ng: “Ito ay paiimbestigahan natin” o kaya naman ay “Papanagutin natin ang mga taong nasa likod nito”.
Ang nakakadismaya sa naging pahayag ng nasabing opisyal ay tila kinakampihan at kinokunsinte pa nito ang ginawang kabulastugan ng kanyang mga pulis sa Tondo kahit lumabag na ang mga ito sa karapatang pantao ng mga bilanggo.
Bilang isang PNP Chief dapat alam ni Dela Rosa ang batas tungkol sa human rights. At batid kong alam na alam ito ni General, dahil imposible namang hindi ito itinuro sa loob ng Philippine Military Academy (PMA) noong siya ay isa pang kadete dito. Maliban na lamang kung siya ay “Skul Bukol” sa PMA.
Gusto lang natin ipaalala kay Gen. Dela Rosa na ang isang kriminal habang hindi pa nililitis ang kanyang kaso sa hukuman, habang hindi pa napapatunayan ang kanyang pagkakasala at hindi pa siya hinahatulan ng korte, ito ay nananatiling inosente.
Naniniwala ako na alam din ni Gen. Bato ang mga salitang gaya nito: “A criminal remains innocent until proven guilty”. Kaya dapat lang na igalang ng mga pulis ang karapatang pantao ng isang tao, kahit siya ay isang adik.
Hindi natin kinakampihan iyong mga taong pilit na pinagkasya sa loob ng natuklasang secret sell. Gusto lamang natin ipaunawa, kailangan tayong lumagay sa lugar o inilalagay lamang natin sa tamang perspektiba, hindi tama at hindi makatao ang ginawa ng mga pulis sa Tondo.
Iyong sinabi ni Gen. Dela Rosa na “okey” lang daw sa kanya ang ganoong sitwasyon hangga’t hindi tino-torture ang mga bilanggo. Ang ibig bang sabihin dito ni Mr. General, kahit na parang mga hayop ang pagtrato sa isang bilanggo ay “okey” parin sayo basta’t hindi ito pinahihirapan?
Kung ang mga salitang narinig natin mismo sa bibig ni Gen. Dela Rosa ay parang may himig ng pagkiling o pagiging biased lalong magkaroon ng lakas ng loob ang ilang pulis na labagin ang karapatan ng isang akusado, kahit ito ay isang suspek pa lang. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)