Matapos ma-ano ni Senador Tito Sotto ang ano ng mga ano, kung ano-ano na ang na-ano. Paano nga ba nagsimula ang anuhan? Anuhin uli natin mga katropa.
May isang linggo na ang nakaraan nang sumalang sa makapangyarihang Commission on Appointments [kung saan miyembro si Tito Sen] ang kompirmasyon ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo.
Ang nabanggit na komisyon ang magsasabi kung bagsak o lusot ang kakayahan ng taong inilagay ni President Duterte sa DSWD. Seryoso ang talakayan sa CA dahil dito eh parang lumulusot sa butas ng karayom ang mga isinasalang sa komisyon para matiyak na karapat-dapat sila.
Nakita naman natin ang nangyari kina Perfecto Yasay [ na bagsak bilang Foreign Affairs secretary] at Gina Lopez [ na bagsak din bilang Environment Secretary.]
Sa huling pananalita ni Sotto sa pagsalang ni Taguiwalo [na hindi pa lusot at isasalang muli sa CA], binanggit nito ang background ng kalihim bilang ina ng dalawang anak. Kung sisipatin ang nangyari, makikitang alam ng senador na “single parent” si Taguiwalo pero hindi lang siya sigurado kung puro babae o lalaki ang anak nito.
At dahil masyado na rin seryoso ang nakalipas na mga oras, marahil nais ni Sotto na pagaangin na ang tema ng talakayan kaya ginamit niya ang terminong “na-ano lang,” na nagagamit din ng mga dabarkads ng Eat Bulaga lalo na segment na “Juan For All, All For Juan.”
Kaing linaw ng batis sa Banahaw na nais lang ni Tito Sen na “mag-joke” at pasayahin na ang paligid sa kaniyang binitiwang salita. Katunayan, sinabi rin ng senador na suportado nito ang kompirmasyon ng kalihim. At sa tagpong iyon, napatawa naman niya ang mga dumalo sa pagdinig at wala rin naman naging violent reaction ika nga si Taguiwalo.
Iyon nga lang, marami sa mga netizen ang “na-offend” kuno kahit wala naman sila sa naturang pagdinig at hindi nila alam ang sitwasyon; at sinakyan na ng kung sino-sinong “tagapagtanggol” daw ng mga “solo parent.”
Si Tito Sen, humingi agad ng paumanhin sa mga nasaktan sa kaniyang biro at ipinaliwanag na wala siyang intensyon na insultuhin ang mga single parent dahil maging ang dalawa niyang anak ay single parent din.
Aba’y kung may tao na masasaktan at magtataguyod sa kapakanan ng mga “na-ano lang,” natural na ito ay ang mga single parent mismo, at ang mga parent ng single parent—gaya ni Sen Sotto.
Kaya naman may isinusulong siyang panukalang batas na magbibigay ng ayuda sa mga single parent. At kamakailan lang ay bumisita sa kaniya ang Federation of Single Parents Luvminda para magpahayag sa kaniya ng suporta.
Sa kabila ng paliwanag at pag-sorry ni Sotto, may grupo pa rin na gustong makalibre sa biyahe at nais sumakay sa isyu at naghain ng Ethics complaint laban sa senador. Puro kayo angal sa salitang “ano” na di naman nakakapatay samantalang walang kibo sa kaliwat-kanang krimen at patayan sa lansangan.
Aba’y yung ngang biniro na “na-ano lang” na si Taguiwalo eh hindi na-offend at tinanggap ang paliwanag ni Tito Sen, bakit yung iba may pa-ethics-ethics pa at tila hindi yata maka-move on?
Kaya naman ang tanong marahil ng mga tropang kurimaw, aba’y sino kaya ngayon ang nang-a-ano na? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)