Nagsama-sama ang mga uniformed personnel ng Philippine National Police at Bureau of Jail Management and Penology sa isinagawang kick-off ng Brigada Eskwela sa Tan-Agan Elementary School at Tan-Agan National High School sa Barangay Tan-Agan, San Andres, Romblon kahapon ng umaga.
Maliban sa mga uniformed personnel, sumama rin sa Brigada Eskwela 2017 ang mga tauhan ng Barangay, mga Guro, mga Estudyante at kanilang mga magulang at mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sabay-sabay na naglinis, nagpintura ng mga upuan at nag-ayos ng mga baradong kanal ang grupo.
Hiling naman ng mga guro ng Tan-Agan Elementary School, sana mabigyang pansin ang kakulangan ng kanilang silid aralan para sa aabot sa mahigit 330 na mga estudyante mula Grade 1 hanggang Grade 6.
Ang ilan kasing silid-aralan sa lugar sinira na ng mga nagdaang bagyo habang ang mga bago namang tayo ay malapit na rin masira.
Sa isang silid, may mga semento pang nahuhulog galing sa kisame na delikado lalo na sa mga nag-aaral na mga bata.
Sa pangkalahatan, naging matagumpay naman ang kick-off ng Brigada Eskwela sa lugar.