Ang Philippine Statistics Authority (PSA)-Romblon ay muling magsasagawa ng taunang survey ukol sa mga negosyo at industriya sa mga establisyamentong may kinalaman sa pagnenegosyo.
Ayon kay Engr. Lino P. Faminialago, Provincial Statistics Officer, ang mga tauhan ng PSA ay magsisimula ng mag-ikot sa buong lalawigan upang isagawa ang 2016 Annual Survey of Philippine Business and Industry (ASPBI).
Layunin ng unang survey na makakuha at makalikom ng impormasyon ukol sa gawaing pangkabuhayan ng bansa na kinabibilangan ng ibat-ibang uri ng sektor ng pangangalakal. Target din nito na makalikom ng datos ng dami ng tauhan ng sa bawat sektor ng negosyo gayundin ang kinita nito, gastos at mga ari-arian ng establiyamento.
Sa Respondent’s Forum na ginanap sa PSA Provincial Office, sinabi ni Acting Provincial Statistician Engr. Johnny F. Solis na sa pamamagitan ng nasabing survey ay makakabuo ang PSA ng estadistika ukol sa value added, labor productivity at average compensation. Makakabuo rin ito ng mga datos ng micro, small at medium establishment (MSME) na ayon sa dami ng tauhan.
{googleads right}
Ang lahat ng ito ay magsisilbing batayan ng pamahalaan at pribadong sektor upang masuri ang estraktura ng industriya at mataya ang kalagayan ng kalakalan gayundin upang makapagbalangkas at makapag-monitor ng mga polisiya.
Sa buong lalawigan ng Romblon, 45 business establishments ang kabilang sa isu-survey ngayong taon.
Hinihiling naman ni Faminialago ang kooperasyon ng mga establisyamento upang mabilis na maitala ang mga datos na kinakailangan sa nasabing pag-aaral ukol sa negosyo at industriya sa bansa.
Nakasaad sa Republic Act 10625 o Philippine Statistical Act of 2013 na maaring makulong sa loob ng isang taon at magmulta ng halagang P100, 000 ang sinumang tauhan o may-ari ng isang establisyamento na hindi magbibigay ng tama o kompletong impormasyon. May kaukulang kaparusahan ding ipapataw sa establisyemento kung tumanggi silang tumanggap o sumagot sa naturang survey.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)