Ipinatawag kamakailan ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO), Inc. ang mga opisyal at lider ng kooperatiba upang itatag ang isang multi-sectoral electrification advisory council (MSEAC) para mabigyan ng puwang ang mga miyembro-consumers na makasali sa usapin sa krisis sa enerhiya at upang tugunan ang panawagan ng National Electrification Administration (NEA).
Para mabuo ang pagtatag ng konseho, nagkaroon ng isang araw na orientation at seminar / workshop para sa mga napiling miyembro ng MSEAC na ginanap sa Romblon West Central School Social Hall sa bayan ng Romblon.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng mga piling miyembro ng iba’t-ibang sector tulad ng sa pangangalakal, lokal na pamahalaan, lupon ng mga punong barangay, lupon ng kababaihan, agro-fishery, media, education, religious group, civic organization at youth sector para mapag-usapan ang iba’t-ibang isyu at suliranin para mas mapabuti pa ang paghatid ng serbisyo ang kooperatiba.
Ayon kay Regina Feloteo, Information Chief of Cooperative Development Division ng NEA, inilahad ng kanilang ahensiya ang kagustuhan na magtatag ang lahat ng kooperatiba sa buong bansa ng MSEAC kung saan ang mga bumubuong miyembro ay manggagaling sa iba’t-ibang sector para maging kinatawan at maipasa ang mga polisiya at makapag-mungkahi ng mga programa na makakatulong sa kooperatiba sa kanilang pagbibigay ng serbisyo at responsibilidad.
“Habang magaling ang serbisyong binibigay ng Romelco sa kanilang mga miyembro-konsumedores sa ngayon, magiging mas mahusay pa ito sa ginawang pagbuklod ng MSEAC. Sa ganoon, makikita ng pamunuan ng Romelco kung saan sila nagkukulang sa pagbigay ng kanilang serbisyo dahil sa konseho, habang magiging mahusay din ang mga polisiya at magiging may kabuluhan ito sa mga pangangailangan ng mga miyembro-konsumador,” pahayag ni District 3 Board of Director Rodolfo Rabino.
Ayon pa sa Presidente ng board of directors na si Diogenes Magallon, isa sa mga hakbang ng MSEAC ay ang pagpasa ng isang resolusyon na gumawa ng mga satellite na tanggapan ang Romelco sa mga bayan para mapadali ang pagbayad ng mga miyembro-konsumedores sa kanilang electric bills.
Kasabay ng pagpupulong, nagkaroon din ng election para maging federated officials ng MSEAC kung saan nahalal bilang presidente si Nelly M. Taupo mula sa District 2, nailuklok naman bilang bise presidente si Chris Mazo mula sa District 1 at naihalal bilang Secretary si Joseph Gutierrez mula sa District 4.