Mas pinaigting ng pamahalaang bayan ng Odiongan ang kampanyang “Aso Ko, Tali Ko” para sa responsableng pag-aalaga ng mga aso upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na rabies sa naturang bayan.
Ang kampanyang ito ng LGU Odiongan ay batay sa Municipal Ordinance 2008-01 na nagbabawal sa mga asong gala para maiwasan nga ang rabies, pagkakalat ng dumi ng mga ito at maging sanhi ng aksidente sa mga motorista.
Tinututukan ng lokal na pamahalaan ang kampanyang responsible pet ownership sa kadahilanang ang mga may-ari ng alagang aso ang may responsibilidad sa pagpapabakuna ng anti-rabies at pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang mga alagang hayop.
Ayon sa Office the Municipal Agriculturist (OMAg) – Odiongan, kalimitan kasi ay pinababayaan ng mga amo na gumala ang kanilang mga hayop na isang pagkakataon na magkakaroon sila na rabies virus.
Kaugnay nito, nagpakalat na ng mga signboard at flyers ang naturang tanggapan na nagsasaad na mahigpit na ipinagbabawal ang asong gala sa nasabing bayan dahil ang mga ito ang huhulihin ng mga tauhan ng OMAg at dadalhin sa dog impounding area.
Bibigyan rin ng pagkakataon ang mga may-ari nito na makapagbayad ng multa para matubos ang kanilang mga alaga at kaakibat nito ang pangakong hindi na nila ito pababayaan na muling gumala sa mga kalsada.
Patuloy ring kinukumbinsi ng LGU Odiongan ang mga may-ari na pabakunahan ang kanilang mga alagang aso dahil libre namang ipinagkakaloob ito ng Office of the Provincial Veterinarian para siguradong may pananggalang laban sa rabies virus at proteksyon na rin sa mga tao sa kanilang nakakasalamuha.