Lima pang munisipyo sa lalawigan ng Romblon ang naideklara ng Philippine Drug Enforcement Agency na “drug-cleared municipality” ngayong araw.
Sa press conference at presentation kaninang umaga sa Governor’s Sub-Office sa Odiongan, Romblon; tinukoy ng PDEA MIMAROPA ang mga bayan ng Banton, Corcuera, Concepcion, San Andres, at Santa Maria bilang bagong mga “drug-cleared” municipality. Hiwalay pa ito sa naunang inanunsyo na mga munisipyo ng Calatrava sa Romblon, bayan ng San Teodoro at Mansalay sa Oriental Mindoro, at Magsaysay sa Occidental Mindoro.
Masusi muna umanong sinuri ng mga miyembro ng Drug Abuse Council sa bawat Barangay sa mga nabanggit na bayan kung karapat dapat na bang tawaging drug cleared ang bawat barangay gayun na rin ang kanilang bayan.
Kasama rin na nag-validate sa mga barangay ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), the Armed Forces of the Philippines (AFP), local government units, at ilang stakeholders.
Ayon sa PDEA MIMAROPA, ilan umano sa mga barangay sa nasabing mga bayan ay wala talaga umanong shabu o di kaya’y gumagamit ng shabu katulad nalang sa bayan ng Concepcion sa Sibale Island.
Hindi rin umano titigil ang mga kapulisan sa kanilang pag-maintain sa mga gawain nilang nagiging paraan para makaiwas na bumalik sa pagdo-droga ang mga drug surrenderers.
Tinanggap ng mga chief of police ng bawat bayan na pinarangalan ang kanilang certificate na nagpapatunay na malinis na sa droga ang kanilang bayan.