Kapag pulis ang kasangkot sa isang kaguluhan, talaga bang guilty na kaagad? Hindi ba puwedeng pagpaliwanagin muna at bigyan ng pagkakataong mapakinggan?
Baka naman nasa panig ito ng katotohanan at kapag nagkatao’y isang karera ang masasayang dahil lamang hindi binigyang-puwang ang malayang pag-inog ng gulong ng katarungan.
Maraming beses nang nasaksihan sa ating kontemporaryong lipunan ang masamang epekto ng padalus-dalos na pagpapasya at mabilisang paghubog ng pampublikong opinyon at paghuhusga.
Kadalasan, sa mga pagkakataong malalaking usapin ng anumalya na kinasasangkutan ng mga indibidwal na elemento ng pulisya, nasasadlak sa dagok ng stigma ang mga ito at ang natitirang dangal sa kanilang pagkatao ay tulayan na nating sinira – sa kabila ng kawalan ng depenitibong hatol ng mga institusyong naatasan ng batas: ang mga hukuman. Premature at unfairly judged, ikanga.
Sa kasong isinampa ni Alyas David laban sa isang Police Chief Inspector Melvin Madrona, kaliwa’t kanang batikos ang narinig nating ipinukol laban sa nabanggit na opisyal mula sa fb comment ng karaniwang mamamayan hanggang sa mga matataas na opisyal ng kapulisan at maging mula sa mga batikang kagawad ng media.
Kung titingnan mong obhektibo, tila baga nakapatay ng tao o nakapanggahasa ng isang kawawa itong si Police chief Insp. Madrona. Maliban sa bersyong ibinigay ni Alyas David, napakinggan kaya natin ang bersyon ng mga pangyayari mula kay PCInsp Madrona? Alalahanin nating ang ipinakitang video ay halaw lamang sa kuha sa istasyon ng pulis sa Fairview kung saan naninilbihan mismo si Madrona.
Hindi saklaw ng ating kaalaman ang mga pangyayari bago ang pananakit na nahuli ng CCTV. Iilan lang din ang nakakaalam sa pagkatao ng naturang pulis. Alam din ba natin ang kasaysayan ng karera nito? Dahil may pagka-istrikto sa mga tauhan, minsan na rin itong nailipat ng pwesto dahil sa pagsuway sa kagustuhan ng malalaking pulitiko.
Bago umani ng medalya bilang pinuno ng Station Anti-Illegal Drugs ng nasabing presinto sa Fairview, decorated intelligence officer itong si Madrona. Sa kanyang pamumuno, ilang masasamang grupo ang natimbog dahil sa investigative skills nito, kabilang na ang ilang mga personalidad na wanted sa mga probinsya.
Kapag tayong nasa publiko ang hinayaang maghusga sa mga taong nabanggit ko, at sa huli’t dulo’y mapatunayang malinis naman pala at mali ang mga alegasyong naunang naipukol laban sa kanila, may kapangyarihan ba tayong baguhin ang takbo ng buhay ng pulis na idinawit na sangkot sa anumang pagkakasala?
Kaya ba nating ibalik sa kanila ang dangal na di-makatwiran nating ipinagkait kaagad sa kanila? Kaya ba nating magbigay ng danyos bilang kabayaran sa sinira nating buhay o kinabukasan dahil sa ating maagang pagkondena at agarang pagpapasya? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)