Handa na ang mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan sa pagbibigay seguridad sa mga mananampalatayang Katoliko at mga daragsang turista sa probinsiya upang siguruhin ang kaligtasan ng mga ito ngayong Semana Santa.
Inilatag na ng Romblon Police Provincial Office (RPPO), Land Transportation Authority (LTO), Philippine Coast Guard (PCG), PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) at iba pang line agencies ang road safety campaign nito bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Mahal na Araw.
Layunin nito na tiyaking ligtas at maginhawa ang pagbiyahe ng mga commuters o bakasyonista na dadagsa sa mga pier at passenger terminal upang magbakasyon ngayong panahon ng kwaresma.
Tiniyak ng RPPO at PCG-Romblon na magtatalaga sila ng mga tauhan na magbabantay sa mga terminal ng bus, jeepney at mga pantalan hanggang sa Araw ng Pagkabuhay upang magbantay at magmatyag para mapigilan ang mga masasamang elemento na posibleng samantalahin ang pagkakataong gumawa ng krimen.
Ang LTO at HPG naman ay magsasagawa ng inspection sa mga pampublikong sasakyan upang tiyakin na maayos at ligtas gamitin sa biyahe ang mga ito.
Inatasan na rin ng pamunuan ng RPPO ang lahat ng chief of police na bantayang mabuti ang mga beach resorts, simbahan at matataong lugar na kanilang nasasakupan para matiyak ang seguridad at katahimikan nito.
Magtatayo rin ng public assistance desks o action center na maaaring lapitan, hingan ng tulong at pag-sumbongan ng mga mamamayan kung sakaling mayroon silang idudulog na reklamo.
Samantala, nakaantabay rin ang Bureau of Fire Protection, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at Philippine Red Cross para tumulong kung sakaling mayroong aberya sa panahon ng Mahal na Araw.