Nahaharap ngayon sa malaking suliranin ang mga residente ng Sibale lalo na ang mga nagmamay-ari ng mga niyugan.
Nitong mga nakaraang araw kasi ay kapansin-pansin ang tila unti-unting pagkamatay ng ilang mga puno ng niyog sa ilang barangay na pinangangambahang sanhi ng salot na cocolisap na una nang nanalasa sa ibat-ibang bahagi ng bansa nitong mga nagdaang taon.
Ayon sa ilang residenteng nakausap ng Romblon News, lubos silang nababahala sa nangyayari sa kanilang mga puno ng niyog kung hindi daw it maaagapan dahil isa ang copra sa pangunahing pinagkukunan nila ng ikinabubuhay sa naturang bayan.
Hindi pa nga raw masyadong nakakabawi ang kanilang mga niyog sa hagupit na dala ng bagyong Nona noong 2015 ay ito at may bago na naman silang suliranin.
Ipinarating agad sa lokal na pamahalaan ang natuklasang problema sa kanilang mga niyog kaya mabilis itong pinuntahan ng Agriculture Technologist ng bayan na si Joseph Eric Fano upang matingnan at masuri.
Aniya, malaki ang posibilidad na dulot nga ito ng salot na cocolisap kaya agarang ipinarating nya ang natuklasang problema sa pamunuan ng Philippine Coconut Authority (PCA) ng Region 4.
Nangako naman ang mga taga-PCA na agad nila itong aaksyunan at nangakong magpapadala ng mga tauhan bago matapos ang linggong ito para mapag-aralan ang mga hakbang na gagawin upang masawata ang nasabing pananalasa ng pinaghihinalaang salot na cocolisap.