Noong isang linggo, sinabi ni Pangulong Duterte na base sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, Cebu ang nangungunang lugar sa bansa sa usapin ng drug infestation.
Ngunit noong mga nakaraang araw, marami sa ating mga kaibigan ang nagtatanong: bakit tila lumalabas na, maliban sa Central Visayas, Quezon ang malapit na pumapangalawa?
Halos araw araw ang balita sa hulihan ng droga sa Quezon. Lucena City, Tayabas, Candelaria at Mauban ang bumabanderang mga bayan, kung hulihan lang naman ng droga ang pag-uusapan. Hindi nakapagtataka.
{googleads left}
Bukod kasi sa bulubunduking bahagi ng lalawigan, medyo maliwang ang Quezon dala na rin ng napakahabang coastline nito.
Hindi nga ba’t mahigit isang dekada na ang nakararaan ay dito nagmula ang kilo-kilong shabung isinakay ng isang alkalde sa ambulansya papuntang Maynila, kung saan naharang at inaresto ng otoridad ang nasabing opisyal?
Dito rin ibinagsak ng mga kartel ang saku-sakong cocaine na nabingwit ng mga mangingisda sa laot upang marahil ay umiwas sa mata ng mga may kapangyarihan. ”Your hands are full” ikanga, Senior Supt. Rhoderick Armamento – ang Quezon police provincial director.
Maliban kasi sa mahirap manmanang mga baybayin at terrain ng lalawigan, hamon din sa inyong mga kapulisan ang pagkakasangkot sa iligal na kalakalan ng droga ng malalaking taong naghahari sa pulitika dyan sa probinsyang inyong nasasakupan.
***
Sa usaping militar naman, kahangahangang malaman na 63 mga kadeteng magtatapos sa Philippine Military Academy ngayong taon ay mga babae. Pito sa Top 10 ng “Sanggalang ay Lakas at Buhay Para sa Kalayaan Ng Inang Bayan” (SALAKNIB) Class ng PMA ay nagmula sa hanay na iyan.
Ayon kay LtGen Donato San Juan II ng Academy, ito na, so far, ang graduating class ng PMA na may pinakamalaking bilang, sa numero at percentage-wise, ng mga kababaihan; 163 ang mga kadeteng magtatapos ngayon dito.
Magandang senyales ito sa usapin ng kamulatan ng lipunan at pagtanggap sa higit na malaking papel na dapat gampanan ng kababaihan sa pagtataguyod ng nation-building sa ating bansa.
Kung role model lang naman ang pag-uusapan, hindi na dapat lumayo pa ng tanaw ang mga babaeng graduate ng PMA.
Sa pamahalaan ngayon, mula sa Punong Mahistrado ng Korte Suprema na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno hanggang sa kalihim ng DENR na si Secretary Gina Lopez, patuloy na ipinapakita ng mga ito ang kakaibang paraan ng pagtindig sa panig ng katwiran, prinsipyo at katotohanan laban sa interes ng iilan. Happy Women’s Month! Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)