Patuloy na ipinatutupad ng Philippine Coconut Authority (PCA) – Romblon ang iba-ibang programa kagaya ng participatory coconut planting o muling pagtatanim ng punong niyog para mapalitan ang mga naputol na niyog na matanda na o hindi na nabunga gayundin ang tinatawag na ‘coconut fertilization’ sa lalawigan ng Romblon.
Sinabi ni Hazel B. Noche, coconut development officer, na layunin ng nasabing mga programa na matulungan ang mga magsasaka ng niyog na madagdagan ang kita mula sa niyog sa pamamamagitan ng pagtatanim ng niyog at paggawa ng mga produkto mula sa niyog.
“Maliban sa kopra, marami pang mga produktong maaaring gawin ng mga magsasaka mula sa niyog kagaya ng coco jam, virgin coconut oil, coco sugar, coco coir at coco fiber na ngayon ay pinakikinabangan ng mga magsasaka”, sabi pa ni Noche
Ayon pa kay Noche, marami sa mga magsasaka ng niyog ang umaasa sa pagko-kopra para kumita kung kaya’t pursigido ang PCA na ipatupad ang mga programa sa pagtatanim ng mga niyog na naglalayon ding mapaunlad ang industriya ng niyog hindi lamang sa bayan ng Romblon kundi gayundin sa lalawigan sa bansa na maraming tanim na niyog.
{googleads right}
Sinabi pa ni Noche na ngayong 2017, karagdagang 50 ektarya ng lupain sa kabisera ng lalawigan ang balak nilang pataminan ng niyog sa ilalim ng participatory coconut planting program kung saan kikita ang isang coconut farmer ng hanggang P40.00 sa pagtatanim ng niyog.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)