Mahigit 900 Romblomanon ang nakapagproseso sa mobile passporting services na isinagawa ng Department of Foreign Affairs (DFA) Central Office sa Office of the Governor extension office sa bayan ng Odiongan kamakailan.
Ang aktibidad na ito ay taun-taong pakikipagtuwang ng Provincial Public Employment Service Office (PESO) sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang magbigay ng serbisyo sa mga nagnanais kumuha at mag-renew ng kanilang pasaporte.
Ito ay naglalayong mailapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga tao, makatulong sa mga mamamayan na mapadali ang pagkuha ng pasaporte na hindi na kinakailangang magsadya pa sa tanggapan ng DFA, at makatulong din na makabawas sa gastusin ng mga aplikante sa paroo’t parito sa tanggapan ng DFA.
Ayon kay Provincial PESO Manager Alice Fetalvero, ang pamahalaang panlalawigan ay naglalaan ng pondo sa proyektong ito upang dalhin ang mga serbisyo ng DFA sa Romblon at alalayan ang mga mamamayang nais mag-apply at mag-renew ng kanilang passport kung saan mas pinadali na ng DFA ang proseso sa passport application at limang taon na ang validity nito.
Ang mobile passporting sa lalawigan ay nasimulan noong 2015 at inaasahang patuloy itong itataguyod ng administrasyon ni Gobernador Eduardo C. Firmalo para sa kapakinabangan ng mas marami pang mamamayang Romblomanon.