Ang pamahalaang bayan ng Odiongan ay nag-aalok ng libreng operasyon sa mga batang may cleft lip at cleft palate (bungi at bingot) upang makapaghatid ng saya at ngiti sa mga taong may ganitong uri ng kapansanan.
Ang mga nais sumailalim sa ganitong uri ng operasyon ay kinakailangang magpatala sa tanggapan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic upang maitakda ang petsa kung kailan isasagawa ang libreng operasyon sa mga ito sa Romblon Provincial Hospital.
“Tanging gastusin lamang sa pagpapa-laboratoryo ang kailangang paglaanan ng mga pasyenteng nais maoperahan ng libre dahil wala silang babayaran sa professional fee ng doktor na magsasagawa ng operasyon,” pahayag ni Mayor Fabic.
“Ang libreng operasyon sa mga mga bungi o bingot ay handog na tulong ng aking kapatid na doktor sa mga kababayan nating mahihirap,” dagdag pang pahayag ng alkalde.
{googleads right}
Kada buwan aniya ay umuuwi ang kanyang kapatid na doktor sa bayan ng Odiongan upang magsagawa ng surgical mission sa mga pasyenteng may ganitong uri ng kapansanan kung saan dalawa hanggang tatlong pasyente kanyang naooperahan ng libre.
“Napakasarap pong pagmasdan na ang ating mga kababayan na may bingot ay nakakangiti na at nakakapagsalita na ng walang sakit na nararamdaman. Masakit at mahirap po ang magkaroon ng bingot at magastos ang magpa-opera nito. Kaya nagpapasalamat po tayo sa adbokasiyang ito ni Dr. Firmalo na mabigyan ng pag-asa at magandang kinabukasan ang ating mga pasyente na hindi na kailangan pang maglabas ng pera,” ayon kay Mayor Fabic.
Bukas aniya ito sa lahat ng mga Romblomanon kahit saan o anong bayan dito sa Romblon sila ng galing. Makipag-ugnayan lang sila sa tanggapan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Odiongan Municipal Hall.