Sinabi ni Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr. ng Odiongan Municipal Police Station ng makapanayam ng Romblon News Network na kanilang pananatalihing ligtas ang bayan ng Odiongan lalo na ang mga Barangay ng Budiong at Canduyong.
Ito ay kasunod ng kumakalat na kwento na meron di umanong lalakeng namataan sa bukurin ng mga nasabing barangay na pumapatay umano ng mga hayop.
Ayon kay Ronnie Mar Falcutila, residente ng Barangay Canduyong, nitong nakaraang araw umano habang siya ay patungo sa bukurin malapit sa kanyang bahay, may nakita umano siyang lalakeng may hawak ng karet at nakatingin sa kanya.
{googleads right}
Nabigla umano si Falcutila dahil narinig na niya na may taong pumatay sa isang alagang baka sa nasabing barangay. Ibinitin umano ang baka at tinanggalan pa ng lamang loob.
Kumaripas ng takbo si Falcutila at dumiretso sa kanyang bahay para kumuha ng golok ngunit pagbalik niya sa lugar ay wala na ang nasabing lalake.
Pagdiditalye ni Falcutila, ang nasabing lalake ay nasa 5’0 ang taas, kayumanggi ang kulay, singkit ang mata, at nasa katamtaman ang haba ng buhok.
Dahil sa pangyayari, gabi-gabi umanong hirap makatulog ang mga residente ng nasabing lugar dahil sa iba’t ibang kwentong kanilang naririnig.
Nitong Linggo ng hapon, March 19, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, Barangay Budiong, at mga CAFGU sa bundok na sakop ng nasabing mga barangay para hanapin sana ang nasabing lalake ngunit hindi nila ito namataan sa lugar.
Dagdag pa ni Senior Inspector Fernandez, hindi pa nila tukoy ang pagkakilanlan ng nasabing lalake at kung delikado ba talaga ito.
Patuloy naman umano ang pagbabantay ng mga Barangay Tanod ng dalawang barangay para sa kaligtasan ng mga residente doon at hinihikayat rin nila na magsumbong sa kapulisan kung sakaling muling mamataan ang nasabing lalake.