Kasabay sa paggunita ng Romblon Day kahapon, sinimulang ipinagdiwang ng ilang mga taga Sibale ang Buwan ng mga Kababaihan sa pamamagitan ng isang Lakad, takbo o Lakatak na inorganisa ng Municipal Action Team ng nasabing bayan na nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development o DSWD. Nilahukan ito ng butihing mayor Hon. Medrito Fabreag, Jr., ng mga babaeng kawani ng lokal na pamahalaan, kawani ng municipal health office, ng pulisya, ng nasa sektor ng edukasyon at ng mga benepisaryo ng ibat-ibang programa ng DSWD.
{googleads right}
Sa naturang programa para sa nabanggit na pagdiriwang, tinalakay ang tungkol sa mga pangunahing programa ng pamahalaan na nasa pamamahala ng DSWD na nagbibigay ng malaking tulong sa mga komunidad at mga mamamayan sa buong lalawigan ng Romblon gaya ng Sustainable Livelihood Program (SLP), ang Kalahi-CIDSS at ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (o 4Ps). Nabanggit din dito ang pagbibigay kaalaman sa mga karapatan ng bawat kababaihan at ang pagpapaalala sa kahalagahan sa lipunan ng mga ito.
Naging bahagi rin ng aktibidad ngayong araw ang paglilinis ng mga kanal at ilog sa ilang bahagi ng bayan.
Nagtapos ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang payak ngunit masayang salo-salo sa pananghalian ng mga nakiisa sa mahalagang pagdiriwang na ito.