Ang Bureau of Fire Protection (BFP) – Romblon ay nagsagawa ng Unity Walk para sa pag-obserba ng Fire Prevention Month ngayong buong buwan ng Marso kung kailan naitatala ang mataas na insidente ng mga sunog.
Bago mag-alas-5:00 kaninang umaga ay nag-umpisa ang Unity Walk mula sa Freedom Park sa Bgy. 2 (Poblacion), Romblon kung saan umikot ito sa buong kabayanan taglay ang temang “Buhay at Ari-arian Pahalagahan, Ibayong Pag-iingat sa Sunog ay sa Sariling Pamamahay Simulan.”
Layunin ng Unity Walk na palaganapin ang kampanya tungkol sa kaligtasan at pag-iwas sa sunog.
Lumahok dito ang mga kawani ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, Philippine National Police, Regional Trial Court, National Food Authority, Romblon Water District, Department of Education, Philippine Red Cross, Barangay officials, ilang empleyado ng lokal na pamahalaan at mga fire volunteers.
Ang sama-samang paglakad para sa isang Unity Walk ay taunan ng ginagawa ng mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) bilang panimulang aktibidad para sa Fire Prevention Month.