Dinaluhan ng mahigit 2,500 kababaihan ang Women’s Month Celebration at Annual Provincial Convention ng mga miyembro ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI)-Romblon Provincial Federation at Provincial Women’s League of Romblon (PWLR).
Ang pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan ay sinimulan sa pamamagitan ng parada at maikling programa sa covered court ng Odiongan plaza kung saan naging panauhing pandangal ang matataas na opisyal ng lalawigan, mga kinatawan mula sa iba-ibang ahensya ng pamahalaan, non-government organizations, people’s organizations at iba pa.
Mainit namang tinanggap ni Mayor Trina Firmalo-Fabic sa kanyang bayang nasasakupan ang mga kababaihan na nagmula pa sa iba’t ibang munisipyo na lumahok sa naturang selebrasyon.
Aniya, ang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan taun-taon ay bahagi ng pagsusulong ng pantay na karapatan, pangangalaga at pagmamahal sa mga kababaihan.
{googleads right}
Nagsagawa rin ng forum at video showing ng Violence Against Women (VAW) kung saan tinalakay sa forum ang tungkol sa iba’t ibang karapatan ng mga kababaihan ng mga pangunahing tagapagsalita sa katauhan nina Congressman Emmanuel F. Madrona, Governor Eduardo C. Firmalo at Charmaine Gaa ng Romblon State University (RSU) main campus.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay: “We Make Change Work for Women.”