Nakapagtanim na simula noong nakaraang buwan ang ating mga magsasaka ng palay at mais sa Gitnang Luzon, ang tradisyunal nang itinuturing na food basket ng ating bansa. Pagdating ng huling bahagi ng Marso hanggang Abril, mag-uumpisa nang anihin ang mga gintong butil na inilalatag natin sa ating mga hapag-kainan.
Magsisimula na rin nating makikita ang epekto ng bagong polisiya ng administrasyong ito sa agrikultura, partikular na sa patubig – libreng patubig para eksakto. Ito ay kung matagumpay na ipinasakatuparan ang inanunsyo sa publiko ni Agriculture Secretary Manny Piñol noong nakaraang taon.
Bilang pagtalima sa policy statement ng kasalukuyang pangulo matapos ang kanyang kauna-unahang State of the Nation Address o SONA, at maging sa kampanya kung saan paulit-ulit nitong tinuran na dapat ibigay ng libre ang patibig para sa maliliit na magsasaka bilang susog sa pagpapalago ng kanilang ani, sinabi ni Piñol noong Agosto na tuloy ang implementasyon ng pangakong ito simula sa unang cropping season ng 2017.
Base sa taunang budget na ipinasa ng Kongreso para sa taong 2017, naglaan ang pamahalaan ng kabuuang P2 bilyong piso para lamang dito. Malaking bagay para sa maliliit na magsasaka, bad news para sa malalaking sakahan ng mga korporasyon at negosyong nasa produksyon ng palay ang larangan.
Sa rehiyon ng Cagayan Valley na hinagupit ng bagyong Lawin noong Oktubre, hindi pa nila natikman ang biyayang ito. Nakapagtanim na kasi noong Nobyembre ang mga magsasaka ng mais at palay sa Cagayan at Isabela, ang dalawang probinsyang sinalanta ng husto ng delubyong Lawin na nagwasak ng mahahalagang imprastraktura – pampubliko man o agrikultura.
Kung papalarin at walang aberya, ang pangalawang cropping season na ng palay sa Region 2 ang mabibigyan ng kaukulang ayuda ng libreng patubig sa nasabing mga probinsya.
Kung magtatagumpay, magsisilbing kakumpetensya na ng maliliit na magsasaka ang malalaking sakahan ng gahiganteng negosyo sa produksyon ng palay.
Ngunit hindi lang pala sila ang “oposisyon” sa bagong patakarang ito. Pati ang mga opisyal ng National Irrigation Administration ay laban dito dahil mawawalan ng saysay ang nasabing ahensya, ayon sa tinuran ng kalihim ng pagsasaka.
Sa P4 bilyong irrigation service fees kasing ibinabayad ng mga magsasaka sa ahensya nagmumula ang pasahod ng mga opisyal at mga empleyado nito. Naloko na!
Alalahanin nating ang mga ito ang magpapatupad sa buong bansa ng bagong polisiya na ipinagwawagwagan noong nakaraang taon ng bagong pangangasiwa. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)