Unti-unti nang nababawi ng pamahalaan ang bahagi ng mga ninakaw ng pamilya Marcos sa kaban ng bayan.
Kaamakailan lang, kinatigan ng Korte Suprema ang pasya ng Sandiganbayan na nag-uutos na kumpiskahin ang ikatlong koleksiyon ng mga alahas ni dating first lady Imelda Marcos na nakuha noong 1986.
Sa 21-pahinang desisyon na isinulat ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, ibinasura ng First Division ang petition for certiorari na inihain ni Imelda at anak na si Irene Marcos-Araneta na humihinging baliktarin ang desisyon ng Sandiganbayan na may petsang Jan. 13, 2014.
Ang ikatlong jewelry collection ay kilala bilang “Malacañang Collection” at nagkakahalaga sa pagitan ng $110,055 hanggang $153,089 o P7.7 milyon sa kasalukuyang halaga.
Makasasapat na ito upang makapagpatayo ng 20 housing units para sa pamilyang mahihirap o school building na may walong silid aralan.
Libu-libo katao na rin ang makikinabang sa pera kung ipambibili ito ng relief goods para sa mga nasalanta ng lindol sa Surigao del Norte.
Ito’y binubuo ng maliliit na alahas na naiwan ng pamilya Marcos nang tumakas sila papuntang Hawaii kasunod ng 1986 EDSA People Power Revolution.
Sa desisyon ng Korte Suprema, makatwiran lang na kumpiskahin ang mga nasabing alahas dahil kung pagbabatayan ang tunay na kinita ng mga Marcos na $304,372.43 o P15 milyon lamang, hindi nila ito kayang bilhin sa legal na paraan.
Paliwanag ng korte, kung ang isang bagay na nabili ng isang opisyal ng pamahalan ay masyadong mahal kumpara sa kanyang kinikita, malaki ang posibilidad na ito’y galing sa ilegal.
Ayon pa sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, hindi maipakita ng mga Marcos na legal ang pagkakabili nila sa mga nasabing alahas.
Ang Malacañang Collection ay nakatago sa vault ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ang panalong ito ay magandang pabaon ilang araw bago gunitain ng bansa ang ika-31 anibersaryo ng People Power Revolution. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)