Nakaraang linggo, sa Davao, sa harap ng mga delegadong dumalo sa ika-38 National Convention of Philippine Association of Water Districts, mariing sinusugan ng pangulo ang suspensyon ng anti-illegal drug operations ng Philippine National Police – sa pamamagitan ng pagpapatigil pati sa National Bureau of Investigations ng lahat ng ginagawa nito laban sa droga.
Lahat ng pagbabagong ito ay dahil lamang sa pagkakabunyag ng kidnap-for-ransom, na ngayo’y tinatawag nang tokhang-for-ransom, ng Korean businessman na si Jee Ick-Joo.
Noong Sabado, nag-umpisa nang manguna sa frontlines ng anti-illegal drug operations ng gobyerno ang Philipppine Drug Enforcement Agency. Sumugod ang PDEA sa dalawang compound sa Quezon City na pinamumugaran ng mga damontres na pusher ng shabu at ng kanilang mga parokyano.
Sa operasyong ito, kapansin-pansin ang panibagong papel na ginampanan ng mga pulis: back-up, blocking force, bantay sa likuran, alalay ng mga ahente ng PDEA sakaling kailanganin ang serbisyo nila. Secondary, ika nga.
Ito ang opisyal at hayag na mukha ng mga operasyon kontra droga simula ngayon. Malinis, de-numero, alinsunod sa nakatadhanang proseso.
Sa kabilang banda, matapos ang tila isang araw lamang na pahinga, muling sumambulat ang balita ng pagkakapatay – vigilante style – ng mga pinaghihinalaang adik at indibidwal na nakalista sa drug watchlist ng iba’t ibang hurisdiksyon sa bansa.
Sa iba pang balita, bunsod marahil ng sunud-sunod na pagkakapatay sa elemento ng gobyerno dala ng mga sagupaang sumambulat sa pagitan ng Armed Forces of the Phillipines at ng New People’s Army(NPA), kabilang na ang batam-batang opisyal ng Philippine Army na si 2Lt Miguel Victor Alejo, agad na pinutol ng pangulo ang umiiral na unilateral ceasefire.
Pati ang usapang pangkapayapaan sa Utrecht at Roma sa pagitan ng National Democratic Front at Government of the Republic of the Philippines ay pinapahinto na rin ng punong ehekutibo. Ang mga opisyal at deputado ng gobyerno na nakikipag-negosasyon sa NDF doon ay pinapauwi na ng pangulo.
Tila reboot lang ang nangyaring suspensyon sa War on Drugs ng gobyerno. Nagbago lang ang mukha ng mga ahensyang at mga operatibang nagpapatupad ng gyerang ito sa droga, ngunit pareho pa rin ang layunin at direksyong tinatahak ng bawat yapak.
Nagmukhang reboot din ang gyera sa mga rebeldeng kumukontra sa pamamahala. Parang sandaling namahinga, upang magpagaling at magpalakas lamang, at makapag-ipon ng mas maraming armas, bala at pwersa.
Sadyang napakailap ng kapayapaan, ngunit ang paghangad nito sa ating bansa ay huwag natin sanang tatantanan. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)