Handa umanong tulungan ng Technical Education and Skills Development Authority MIMAROPA Region ang mga empleyado ng iba’t ibang mining company sa MIMAROPA na maaring mawalan ng trabaho dahil sa isinasagawang crackdown ng Department of Environment and Natural Resources sa mga hindi sumusunod sa batas sa pagmimina.
Ayon sa pahayag ni TESDA MIMAROPA Regional Director Carlos Flores, kasama sa mga priority list nila ang mga displaced workers katulad ng mga mawawala ng trabaho dahil sa pagpapasa ng iba’t ibang minahan sa MIMAROPA.
Handa umanong magbigay ng iba’t ibang training at programa ang mga TESDA Provincial Office sa kanila at scholarship para hanggang sa makahanap ng panibagong trabaho at hanap buhay.
Pwede umano silang lumapit lamang sa mga TESDA Provincial Office sa kanilang lugar para magtanong.
Marami naman umanong mga training centers ang TESDA sa MIMAROPA para sa iba’t ibang programa na may kaugnayan sa iba’t ibang trabaho katulad ng automotive repairs.
Noong nakaraang taon aabot sa limang kompanya ng marble quarry ang ipinasa ng Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB) ng Romblon at aabot sa mahigit 500 empleyado ng kompanya ang nawalan ng trabaho.
Nitong February 14, 2017, nagpahayag ang Department of Environment and Natural Resources na aabot sa 11 mining firms ang nahaharap sa kanselasyon ng mining permits dahil sa epekto ng kanilang pagmimina sa mga watersheds sa MIMAROPA.