Naghain ng isang panukala kamakailan si SP Dongdong Ylagan sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon na may layuning pag ibayuhin ang relasyon ng publiko at pribado sa pag sasaayos ng kalakalan ng lalawigan.
Ang nasabing panukala ay ang gawan ng lokal na bersyon ang public private partnership (PPP) na sinimulan ng nakaraang administrasyo ni Pangulong Pangulong Benigno Aquino at itinutulak din ng kasalukuyang pamunuan sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang regular na pag bisita sa mga bayan bayan ng Romblon, nakita ni Ylagan ang mga programa na dapat unahin, “ang pagsasa ayos ng mga pier at maliliit na daungan sa Romblon at sa Sibuyan ay isa sa mga dapat tutokan,” sabi ni Ylagan.
“Sa isang konsultasyon, marami ang nag mumungkahi ang pag sasaayos ng jetty port sa Agtiwa o Agutay sa San Fernando at sa Sablayan sa Romblon dahil makakatipid ng paglalayag ng isang oras ang mga mananakay kung ito ay mabibigyan ng kaukulang pondo,” paliwanag ni Ylagan.
Ang Marine Breeding Center sa Canduyong, at ang Farmers’ Training Center sa Rizal sa Odiongan at ang paliparan sa Azagra sa Cajidiocan ay ilan lamang sa mga pangunahing programa sa ilalim ng lokal na PPP na kanyang inihain.
“Sa Romblon, Romblon kailangan ang karagdagang capital na mag mumula sa lokal o banyagang negosyante upang ibuhos sa pag sasaliksik sa maka bagong teknolohiya upang mapasiglang muli ang industria ng marmol”, dagdag pa ni Ylagan.
“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte ang PPP ay magkakaroon ng bagong anyo at ito ay ang pag bibigay ng halaga sa kapakanan at interes ng mahihirap sa mga usapin at proyekto ng PPP,” sinabi ni Ylagan.
Ayon pa kay Ylagan na nasa huling termino na sa lokal na Sangguniang Panlalawigan ng Romblon, napapanahon na umano ang paghahain at ang hagarang pag pasa ng panukalang ito upang matugunan ang kawalan ng hanapbuhay sa buong lalawigan.
“Ang susi sa pag unlad ng lalawigan ay ang pag kakaisa ng publiko at pribadong sektor at ng mga peoples’ organization at NGO na may hangaring wakasan ang kawalan ng hanapbuhay,” sinabi ni Ylagan.