Lumagda sa isang kasunduan sina Romblon Mayor Mariano Mateo at NFA Provincial Manager Romulo O. Aldueza kung saan maaaring pautangin o agad na bibigyan ng bigas ang pamahalaang bayan kung sakaling may dumaang kalamidad.
Ang lagdaan ay ginanap sa tanggapan ng una kung saan parehong nagkasundo ang dalawang panig sa pag-apruba ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Municipal Government of Romblon at National Food Authority (NFA)-Provincial Office hinggil sa NFA RICE Credit Program ng lokal na pamahalaan.
Ang nasabing MOA ay batay sa kahilingan ng alkalde sa Sangguniang Bayan na siya ay mabigyan ng sapat na awtoridad at magkaroon ng kasunduan sa NFA na makakuha o makabili ng bigas sa pamamagitan ng pautang upang kagyat na matugunan ang pangangailangan ng kanyang nasasakupan lalo na sa panahon ng kalamidad o sakuna.
Sa ilalim ng Procurement Act ng gobyerno, napakaraming hakbang ang kakailanganin bago maproseso ang nais na bilhin ng isang ahensiya na gaya ng isang munisipyo.
Dahil dito, nagpasya ang pamahalaang pambayan ng Romblon na ipasa ang isang epektibong paraan upang maiwasan ang pagkaantala ng pagbili ng sako-sakong bigas o kakulangan nito lalo na sa panahon ng kalamidad na gaya ng bagyo o pagbaha.
Kaugnay nito, hindi naman nabigo si Mateo sa kanyang kahilingan dahil agad na inaprubahan ng buong konseho ang pagbibigay karapatan sa kanya upang lumagda sa isang kasunduan na sinaksihan ni Vice Mayor Mart Arthur L. Silverio.