Nagpaplano na umano ang mga malalaking kompanya sa Manila na magkaroon ng investment sa bayan ng Odiongan sa Tablas Island sa mga susunod na buwan o taon.
Ito ang mga ibinahagi ni Governor Eduardo Firmalo ng magsalita sa harapan ng mga opisyal ng iba’t ibang bayan sa Romblon sa ginanap na inaugural launching ng bagong airlines na bumabiyahe sa Romblon Airport.
Ayon kay Governor Firmalo, nagpaplano na umano ang mga kompanyang nasalikod ng Robinsons Malls na magtayo ng mall sa bayan ng Odiongan, gayun narin umano ang sikat na fast food chain na McDonalds.
“Sumulat palang, nagtext na bibista sila at mag-uusap kami (McDonalds). Yung Robinsons naman ay thru a relative na magpapahanap ng lupa,” pahayag ni Governor Firmalo ng makapanayam ng mga mamahayag.
Sinabi rin umano sa kanila ng Asian Development Bank na may mga malalaking bangko sa Pilipinas ang nagbabalak na ring mag lagay ng branch sa bayan ng Odiongan sa mga susunod na taon.
Maliban umano rito may mga negosyante rin umano na mga taga-Oriental Mindoro ang nagpapahanap na rin ng lupa para sa kanilang mga itatayong business sa Odiongan. Ang mga nasabing negosyante rin umano ay balak maglagay ng business na malapit sa pwesto ng Philippine Science High School sa Barangay Rizal.
Patuloy naman ang ginagawang pag imbeta ng provincial government sa mga investors sa MIMAROPA. Ayon kay Governor Firmalo, sa susunod na mga buwan ay dadalhin nila ang Romblon Chambers of Commerce sa San Jose, Oriental Mindoro at Palawan para makipag-usap sa mga investors.