Ang pamahalaang bayan ng Magdiwang ay nagsimula ng tumanggap ng aplikasyon para sa mga estudyanteng nais magtrabaho sa ilalim ng Special Program for Employment of Student (SPES) ngayong summer.
Ang SPES ay bukas sa mga estudyante na 15-25 taong gulang at kailangan na kasalukuyang naka-enrol sa anumang kolehiyo o unibersidad.
Layon ng nabanggit na programa na matulungan ang mga mahihirap na mga estudyante sa kolehiyo na kumita upang mabayaran ang kanilang gastusin sa pag-aaral.
Mahahasa rin ang kaalaman ng mga estudyante sa pagta-trabaho at makakatulong din ito sa paghahanap nila ng trabaho kapag natapos na sila sa pag-aaral sa kolehiyo.
Sa mga interesadong mag-apply, maaari nilang isumite ang kanilang aplikasyon hanggang Marso 31 kay MPDC Sheilah Rance, Acting Municipal Public Employment Service Office (PESO) Manager, sa 2nd floor, Municipal Hall, Magdiwang, Romblon.
Pinapayuhan naman ng Magdiwang Municipa Public Employment Services Office (PESO) Manager ang mga kabataan na nakatakdang magtapos sa kolehiyo ngayong taon na huwag ng magsumite ng aplikasyon dahil prayoridad nila ang mahihirap na estudyanteng gustong magpatuloy sa pag-aaral sa susunod na pasukan.
Ang SPES ay ipinapatupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Republic Act Number 9547 o batas para tulungan ang mga mahihirap pero karapat-dapat na mga estudyante na magpatuloy ng kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng pagta-trabaho tuwing summer at christmas season.