Inirereklamo ng ilang pasahero ng barkong umaalis ng alas-8 ng gabi mula Odiongan patungong Oriental Mindoro ang kawalan ng ilaw at kuryente sa Poctoy Port sa Odiongan, Romblon kapag gabi.
Ayon sa ilang nagpadala ng mensahe sa Romblon News Network, napansin nilang hindi umaandar ang mga ilaw at tanging emergency lights lamang ang nakabukas sa nasabing pantalan kapag gabi.
Kahit umano ang scanner ng pantalan para sa mga gamit ay hindi rin umaandar. Nakakabahala umano ito lalo na’t pwedeng makalusot ang kahit anong bagahe papasok ng pantalan.
Ayon sa ilang pasahero, nagbabayad naman umano sila ng terminal fee papasok ng pantalan at papasok ng terminal na umaabot sa mahigit P15 bawat isa.
Kinontak na ng Romblon News Network ang pamunuan ng Philippine Port Authority sa Poctoy Port upang kunan ng pahayag kaugnay rito.