Hindi isa, kundi apat na ginagawang tulay sa isla ng Sibuyan ang idineklara ng Department of Public Works and Highways na 100% completed na kahit lumalabas na hindi pa ito natatapos at nakabinbin na ng halos ilang buwan.
Ang mga tapos na di umanong tulay ay ang Agtiwa Bridge at Cabitangahan Bridge, parehong sa bayan ng San Fernando, Romblon at ang Cagban Bridge na sakop ng Barangay Cambalo sa Cajidiocan at Agutay Bridge naman na sakop ng bayan ng Magdiwang.
Humingi ng tulong ang grupong Sibuyanons Around The World (SAGI) sa Office of the President sa Malacañang para muling matingnan ang mga nasabing proyekto.
Ang dalawang tulay sa San Fernando ay nakuha ng construction company na nag nangangalang Supreme ABF Construction & Construction Supply Company Inc., habang ang mga nabanggit na tulay naman sa Cajidiocan at Magdiwang ay nakuha ng Arky Construction and Supply.
Ayon sa DPWH website ang apat na tulay ay nagkakahalaga ng halos P67,154,000 at taong 2015 pa nagsimula ang kontrata sa pagtrabaho nito.
Ayon naman kay Gie Roa, miyembro ng SAGI, ipinadala na ng Office of the President sa Citizen’s Feedback Liaison Officer ng DPWH sa Manila ang kanilang reklamo at nag-aantay nalang sila ng feedback mula rito.
Sinubukang kunan ng pahayag ng Romblon News Network si District Engineer Napoleon Famadico, ngunit wala ito sa kanyang opisina nitong araw ng Lunes, February 06.
Pahayag naman ni DPWH Romblon Assistant District Engineer Roger David ng makausap ng Romblon News Network, hindi pa tapos ang ilang tulay sa Sibuyan Island. Ginagawa pa umano ng mga contractor ang mga approach ng mga tulay sa Sibuyan Island.
Hindi naman siya nagbigay ng pahayag kung bakit 100% completed na ang nakadiklera status ng project sa website ng Department of Public Works and Highways.