Muling pangungunahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) national office sa pakikipagtulungan ng Provincial Public Employment Services Office (PESO) ang ‘mobile passporting” sa Marso 11-12 na gaganapin sa Office of the Governor (extension office) sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ang proyektong ito ay inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng PESO Provincial Office na pinamumunuan ni Gng. Alice C. Fetalvero sa pakikipagtulungan ng tanggapan ng DFA.
Ito ay naglalayong mailapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga tao, makatulong sa mga mamamayan na mapadali ang pagkuha ng pasaporte na hindi na kinakailangang magsadya pa sa tanggapan ng DFA, at makatulong din na makabawas sa gastusin ng mga aplikante sa paroo’t parito sa tanggapan ng DFA.
Sinabi ni PESO Provincial Manager Alice C. Fetalvero, na inaasahang higit sa 500 na aplikasyon mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ang maipoproseso ng mga tauhan ng DFA sa loob ng itinakdang araw.
Kinakailangan maisumite ng mga aplikante ng mga photocopies ng mga hihihinging recquirements sa tanggapan ng PESO hanggang Pebrero 22 upang madala ang mga ito sa punong tanggapan ng DFA.
Sa mga bagong aplikante, kinakailangang magsumite ng filled-up application form kalakip ang mga kaukulang dokumento gaya ng sertipiko ng kapanganakan (NSO/PSA Authenticated) at dalawang valid identification cards (government IDs, Postal ID, Driver’s License, Voter’s ID o PRC ID) bago sumapit ang takdang araw ng mobile passporting.
Para naman sa mga nais mag-renew ng kanilang passport, pinapayuhan na dalhin ang kanilang lumang pasaporte at magdala ng dalawang Valid IDs.
Sa mga nawalan ng pasaporte, magsumite lamang ng Notarized Affidavit of Loss at magsumite rin ng mga rekisitos upang muling maiproseso ito.
Ang mga dokumentong hiningi ng tanggapan ng DFA ay personal na dadalhin sa kapitolyo sa bayan ng Romblon o sa Romblon provincial government extension office sa bayan ng Odiongan at maglaan ng halagaang P1,200 para sa passport fee.
Sa mga interesadong mag-apply upang magkaroon ng pasaporte ay maaaring magsadya ng personal sa tanggapan ng PESO Provincial Office o makipag-ugnayan kay PESO Provincial Manager Fetalvero sa numerong 0928-3434511 o kay Yolanda Fegurasin sa numerong 0921-2619523.