Katuwang ang pamunuan ng PNP, ideneklara ngayong araw, ika-5 ng Pebrero, ng lokal na pamahalan ng Concepcion (Sibale) sa pangunguna ng butihing alkalde Hon. Medrito Fabreag, Jr., ang pagiging drug free ng barangay San Vicente.
Ang nasabing deklarasyon ay bunga ng seryosong kampanya ng kapulisan at ng lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng barangay laban sa paggamit o pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa buong bayan.
Nauna na dito, halos araw-araw na nagbabahay-bahay sa bawat barangay ang mga miyembro ng kapulisan sa nabanggit na bayan, upang bigyan ng kaalaman at paalalahanan ang mga residente hinggil sa masamang epekto ng ilegal na droga hindi lang sa sarili o pamilya kung di pati na rin sa buong pamayanan.
Sa pahayag ni Hon. Ulpiano ‘Jun’ Evora Jr., kapitan ng San Vicente, lubos siyang natutuwa dahil sa unang pagkakataon ay nadeklarang ligtas sa anumang ilegal na droga ang kanyang nasasakupang barangay. Nagpaabot din s’ya ng pasasalamat sa kanyang mga kagawad at mga opisyal ganoon din sa mga residente ng barangay sa ipinamalas ng mga ito na pakikiisa at pakikipagtulungan para makamit nila ang nasabing deklarasyon.
Sa panig naman ng mga residente, umasa raw ang mga kapulisan at ang lokal na pamahalaan sa suportang kanilang ibibigay para mapanatiling drug free ang kanilang barangay at ang buong bayan ng Sibale.
Ang simpleng seremonya ay sinaksihan ng mga tauhan ng municipal police station sa pamununo ni P/SI Peter Bryan Fallurin, ni Hon. Ulpiano Evora, Jr., mga kagawad at opisyales ng barangay at ilang mga residente.