Maliit na at halos hindi na sapat ang mga nakukuhang fine at course aggregates sa Tablas Island, ayon sa isang opisyal ng Department of Public Works and Highways District of Romblon.
Ayon kay Engr. Allan Salvador, Head ng Construction section ng DPWH-Romblon, nakatanggap umano sila ng sulat mula sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) MIMAROPA ng Department of Environment and Natural Resources na hindi na ito sapat.
“Napakarami nating construction sa DPWH, meron pang mga private firms, paano nalang yung mga nagpapagawa ng mga bahay?” tanong ni Salvador.
“Actually, maliit nalang talaga, ang mga aggregates kasi katulad nalang ng fine aggregates kung walang bagyo o baha sa ilog, maliit talaga ang supply.” dagdag pa nito.
Isa umano ito sa mga dahilan kung bakit ang mga projects kung minsan ay nagkakaroon ng suspension, lalo kung i-declare umano ng contractor na dahilan sa suspension ay short ng supply.
“Wala tayong magagawa kundi mag-antay, o di kaya mag import tayo galing sa ibang probinsya. Katulad sa Odiongan, pwedeng kumuha sa Mindoro, at kung sa Santa Fe naman pwedeng sa Antique.” ayon kay Engr. Salvador.
May mga nagagamit rin umanong ‘crushed stone’ na nabibili rin sa Odiongan ngunit hindi umano ito sapat lalo na sa ngayong napakaraming infrastructure project sa Romblon.
Isa sa pinakamalaking project ngayon sa Romblon ay ang cross-country road sa Barangay Patoo sa Odiongan patungo sa Santa Maria na kung saan naparaming semento at aggregates ang gagamitin dahil sa napakahabang kalsada.
Wala naman umanong problema sa ibang isla lalo na sa Romblon Island dahil malalaki ang deposit rito lalo na ang matibay sa sementong marble.