Matagumpay na naisakatuparan ang libreng medical at surgical mission sa Romblon District Hospital sa pangunguna ng mga doktor ng Philippine American Medical Society (PAMS) at pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon.
Sa limang araw na medical mission at surgical operation na isinagawa ng grupo ng mga doktor at nurse mula sa PAMS ay umabot sa 886 pasyente ang naoperahan sa sakit na mayoma, luslos, bukol sa suso, bingot (cleft lip), bato sa apdo, bukol sa matris o obaryo, nasuri ang pandinig (hearing test) at libreng kunsultasyon para sa iba’t-ibang uri ng sakit.
Batay sa talaan ng Romblon District Hospital, 22 pasyente ang matagumpay na sumailalim sa major operation, 58 naman ang nag-undergo sa minor operation, 40 katao ang sinuri sa pandinig at 766 ang nabigyan ng free medical check-up.
Nagpahayag ng papuri si Governor Eduardo C. Firmalo sa mga dalubhasang doktor na nagbigay ng serbisyo sa kaniyang mga kababayan at hindi inalintana ang pagod sa limang araw na pagsasagawa ng operasyon sa mga pasyente.
Lubos ding nagpapasalamat ang mga pasyente na libreng naoperahan sa katatapos na surgical mission lalo na sa mga doktor na nagsagawa ng libreng operasyon sa kanilang mga karamdaman.