Kinumpirma ng awtoridad na aabot sa 44 na pasahero ng barkong Oceanjet 12 ang nasugatan sa nangyaring aksidente sa dagat kahapon ng hapon.
Biyahe ang barkong OceanJet 12 patungong Calapan Port galing Batangas Port sakay ang 245 na pasahero. Umalis ito ng Batangas Port bandang 1:50pm at darating sanang 2:50pm ngunit dumating ito sa Calapan City ay 3:30pm.
Sa ulat ng Philippine Ports Authority Port Management Office of Oriental Mindoro, sinabi nila na nawasak ang pintuan na nasa harapang bahagi ng barko dahil sa pag bangga ng isang metal ladder. Nawasak rin ang ilang bentana na naging dahilan kung bakit nasugatan ang ilang pasahero.
Dahil rin sa nakataas na gale warning sa Mindoro kahapon ng umaga, pinasok rin ng tubig dagat ang loob ng barko kung saan nandun ang mga pasahero. Ilang pasahero ang nag panic, at makikita sa mga litratong inupload ni Choy Aboboto ng Calapan City Public Safety Dept na nakasuot na ang mga pasahero ng life jacket hanggang dumating ang barko sa pantalan.
Muntik na rin umanong tumagilid ang barko, ayon sa isang pasaherong nakausap ng pamunuan ng Philippine Ports Authority Port Management Office of Oriental Mindoro.
Agad namang binigyan ng first aid ng mga tauhan ng Philippine Port Authority, Philippine Red Cross, PNP Maritime, NPMSI, PSD Group ang mga pasahero ng silang dumating sa pantalan ng Calapan.
Sa ulat ni Choy Aboboto, umabot sa 10 pasahero ng barko ang dinala sa Ospital sa Calapan City matapos na mabigyan ng first aid.