Kawawang Bongbong Marcos, aba’y kahit pala matanggal si Vice President Leni Robredo dahil sa late na paghahain ng Liberal Party ng statement of contributions and expenditures (SOCE) kasunod ng May 9, 2016 elections, hindi pa rin si Bongbong ang papalit sa kanya.
Ito ang opinyon ni dating Supreme Court (SC) Chief Justice Artemio Panganiban kaugnay na rin ng inihaing petisyon ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa Korte Suprema kaugnay ng desisyon ng Comelec na bigyan ng extension ang LP na makapaghain ng SOCE mula June 8 patungong June 30, 2016.
Ginawa ni Alvarez ang hakbang dahil nakasaad sa Republic Act (RA) 7166, hindi puwedeng maupo ang isang nanalong kandidato na hindi sumunod sa SOCE requirement.
Wala mang kinalaman si VP Robredo sa kapalpakan ng LP, maaari niyang pagbayaran ang pagbabayang ito sakaling maalis siya sa puwesto.
Pero taliwas sa sinasabi ng kampo ni Marcos, hindi si Bongbong ang papalit kay VP Robredo sakaling matanggal ito sa puwesto.
Sinabi ni Pangilinan na nakasaad sa batas na kapag nabakante ang puwesto ng VP, kailangang mamili ng Pangulo mula sa hanay ng mga mambabatas na kasalukuyang nakaupo sa Senado at Kamara.
Opisyal na mauupo ang napiling kahalili kapag nakakuha ng mayorya ng boto ng lahat ng miyembro ng dalawang sangay ng Kongreso sa magkahiwalay na botohan.
Bilang dating senador na natapos ang termino noong June 30, 2016, walang tsansa si Bongbong na maupo bilang VP.
Nakatikim ng tinatawag na double whammy si Bongbong. Wala na ngang pag-asa ang kanyang protesta laban kay VP Robredo, wala pa siyang pag-asang maupo sakaling maalis ang bise presidente dahil sa naantalang SOCE. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)