Halos limang (5) taon din akong araw-araw na pumaroo’t-parito sa bisinidad ng Quiapo noong tayo ay nasa kolehiyo.
May maliit na puwesto kasi ang isa kong kapatid sa tapat ng Isetann-Recto at doon ako tambay hanggang makapagtapos.
Doon ko nasaksihan ang paglobo ng bilang ng mga debotong nananampalataya sa Poong Itim na Nazareno, mula sa mga namamanata upang matupad ang mga inaasam na kahilingan hanggang sa mga yaong tumutupad sa taimtim na pangakong binitawan sa harap ng altar ng kabanalan.
Sa taong ito, inaasahang aabot sa 14M-katao ang makikilahok sa taunang Translacion na tatahak sa ruta ng prosisyon mula Luneta hanggang sa muling mailuklok sa kanyang hantungan sa pamosong simbahan ng Quiapo. Noong mga nagdaang taon, halos umabot sa mahigit na 24 oras ang banal na prosisyon.
Sa aking mga kapwa kapanalig sa pananampalatayang Katoliko na kay Santo Niño de Romblon man ang aking debosyon, nawa’y inyong makamit ang inyong inaasam na kahilingan.
Saklubin nawa kayo ng ibayong kalakasan upang mapawi ang paghihirap ng inyong pagal na lupang katawan. Ikaloob nawa sa inyo ang inyong mga ipinagdarasal at patuloy sana kayong iligtas sa banta ng anumang kapahamakan.
Pagkatapos nito, sa darating na Biyernes, sa dakong kapuluan ng Timog Katagalugan, masasaksihan naman ang pagbababa kay Santo Niño de Romblon mula sa pedestal ng St. Joseph’s Cathedral.
Ito ay taunang isinasagawa upang muling makapiling na pisikal ng mga deboto ang Batang Hesus na mahigit isang dekada ring ipinagkait sa amin.
Mula nang maibalik Siya sa aming piling ilang hambalos ng bagyo, kabilang na ang Yolanda, ang mahimalang lumihis ng direksyon upang isalba ang buhay at ari-arian ng maraming Romblomanon.
Sa nangyaring mga delubyo, saksi ako sa pagpapasalamat at materyal na pagpapakita ng utang na loob sa nasabing patron ng nasabing lalawigan sa pamamagitan ng pag-abot ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad sa Silangang Kabisayaan man o sa ibang bahagi ng kapuluan.
Dalawang katangian ng mga kababayan natin ang mahahalaw sa dalawang tradisyong banal na ito – ang marubdob na pagnanasang magbago tungo sa mabuting buhay, at ang pagtatanaw ng utang na loob sa Diyos nating obheto ng ating debosyon at pananampalataya.
Sa ating lahat, nawa’y dalhin tayo ng ating mga panata sa buhay na payapa, ngayong taon sa mga dekadang parating pa. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey>